Nanghihinayang ako at nauna ang Hollywood sa paggawa ng pelikulang The Devil Wears Prada.
Kung hindi sana iyon naisalin sa puting tabing, masayang isipin na ang papel ni Miranda Priestley ay napunta kay Vilma Santos. Oo, si Vilma Santos. Siyempre, babaguhin natin (o ng Star Cinema) ang pangalan ng bida sa ating bersyon, at iaangkop natin sa ating kultura ang kuwento.
Naisip kong ang mga pakikipagsapalaran ng bidang si Andie ay maaari nating ihalintulad sa working girls ng Makati. Gusto kong ibigay ang papel na ito kay Angel Locsin. Pagkatapos, si Luis Manzano ang gaganap na nobyo niya. Disin sana'y ito ang unang pagkakataon na magkasama ang mag-ina sa isang pelikula, kahit pa wala silang eksena na magkasama sila.
Isipin n'yo na lang: Uutus-utusan ni Vilma si Angel, pahihirapan na para bang sinusubok ang pasensya ng isang mamanugangin. Pagkatapos, magdadayalog si Angel kay Luis pag-uwi ng bahay: "Hindi siya natutuwa nang masaya ang mga tao sa paligid niya. Gusto niya miserable ang lahat ng tao." Kulang na lang itanong niya, Bakit ganun ang nanay mo?!
Sakto ang tambalang Vilma-Angel sa parehang Meryl Streep-Anne Hathaway. Kung anong tayog ni Meryl ay siya namang taas din ni Vilma. Si Angel, tulad ni Anne, ay nagsisimula pa lang sa pag-arte. Wala silang sinabi sa mga reyna ng pelikula.
Pero ang mas magpapasabik sa mga tao ay ang makita si Vilma na hindi sumisigaw o humihiyaw. Isang bagong hamon sa Star for All Seasons ang hindi magtaas ng boses sa kabuuan ng pelikula. Huwag po ninyong ipagkakamali na ako ay isang Noranian (kahit pa humahanga din naman ako kay Nora), lalo pa at mas gusto ko siya kaysa Superstar. Naiisip ba ninyo kung paano sasabihin ni Vilma ang linyang ito: "Ang sabi ko sa sarili ko, Sige, kunin mo 'yung matabang babae na matalino naman. Pero ang nangyari, mas na-disappoint pa ako sa 'yo kesa sa mga nauna sa iyo." Hindi ba masarap isipin na dalawang oras na hindi lilitaw ang mga litid ni Vilma sa malaking tabing?
Sayang talaga at nauna na ang Hollywood.
'Yun lang.
No comments:
Post a Comment